PAST BLOGS

9/02/2010

of killing the memories

thanks for sharing this beautiful poem. you know who you are. catharsis indeed! :)

(the cranberries' when your gone was playing when i first read this piece)

Paano kung Paggising ko,
Mahal pa rin Kita?
nina Ces Millado at Queng Reyles

Paano kung paggising ko,
mahal pa rin kita?
Kung ang mga nilimot na halik
Ay isa-isang magtampisaw
sa manhid ko nang alaala?

Paano kung sa magdamag
na pagtulog ang kinahimbingang
anino’y
ikaw pa rin?

Paano kung ang sagot
sa mapangutyang ginaw
ng madaling araw
ay ang alaala
ng yakap mong
hindi na akin?

Paano kung ang hatinggabi’y
palilipasin pa rin
sa paglimot
at pagsilip sa sikat ng araw
mula sa aking silid?

Kung ang halinghing ng hangin
ay bubulong ng
pangalan mong
di na rin kailanman bibigkasin …

Kung ang kakapain pa ri’y
kung saan muling maririnig
ang iyong tinig …

Kung paggising ko
mahal pa rin kita,
tulog akong magluluksa
sa puso kong
nalimutang muli
ang magmahal ng sariling pagka

Ilang beses na akong umayaw.
Paulit-ulit na nilasing ang
sarili
sa mga usok at ingay,
sa mga salitang sinulat sa
naglalahong guhit ng papel.

Pagkat ang paglaya
sa pagsasama nating
kay tamis - kay pait
Ay pagbitiw sa kadena
ng iyong pagkalinga.

Ilang libong hakbang na ang
nilakad papalayo sa iyo
nagpupumilit na di na lumingon
na di na rin tumingin,
na hindi na makaramdam.

Kung paggising ko,
mahal pa rin kita
Mag-aalay ako ng balde-baldeng luha
(sindami ng iniyak ko sa nagdaang paglaya)
Pagkat gabi pa rin ang gabi
kung ikaw pa rin ang iibigin
Hindi pa marahil nagbubukangliwayway.
Hihintayin ko ang
tilaok ng manok
Upang magising sa isang mapaglarong
bangungot.

Kung paggising ko’y
mahal pa rin kita,
babalikan ko ang
mga panaginip
at papatayin ang
alaala.


Jamming with Queng
21 November 1997
1:55 AM

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...