Dati, sa sobrang pagbabasa ko ng encyclopedia, hindi ko na na-enjoy ang buhay ko. Masyado ako noong nadala sa mga scientific facts. Gustong-gusto ko noon yung mga bagay na nagyayari sa outer space, yung mga black holes, yung mga pagsabog ng mga bituwin, yung mga pagbubuo ng mga planeta, basta lahat ng tungkol sa kalawakan., gusto ko kasing mag pulis pang-kalawakan. Hinde. Gusto ko talagang mag-astronaut.
Takot na takot ako noon kapag naiisip ko kung gaano na kalapit sumabog ang araw. Palagi ko noong iniisip kung paano nga lalamunin ng araw ang buong solar system, kung dadahan-dahanin ba niya ito, o lalamunin na lang ng apoy sa isang iglap. Ang hirap isipin. Natatakot ako na baka kapag nangyari yung araw na yun, buhay pa’ko at matunaw na lang bigla. Ayoko nga nun. Ang pangit naman ng scenario kung bigla na lang akong mamamatay ng walang saysay. Gusto ko pa yatang magka-gelpren.
Isa pang kinatatakutan ko no’n kaya di ko ma-enjoy ang buhay ko ay yung nalalapit na paggunaw daw ng mundo. Yung panahon na may mga apoy na bababa mula sa langit at susunugin ang mga tao; yung mga panahong magkakalindol daw na sobrang lakas na lalamunin na ng lupa ang lahat. Basta yun at madami pang iba. Yun yung mga bagay na lagi kong iniisip nung bata pa ako kaya hindi ko masyadong na-enjoy ang buhay ko. Syempre inisip ko noon na kailangan kong nang lubus-lubusin ang quality time ko with my family and friends, kaya puro halos pangkawanggawa ang mga tinatrabaho ko noon.
Isang araw noong kabataan ko, nang naglalakd ako sa mall habang nag-iisip ng gagawin ko kung sakaling gumuho na lang bigla yung mall, napadaan ako sa isang fast food chain. Nakakainis, madaming tao, dagdag pa yung matingkad na pula at dilaw na ilaw na nanunukso sa ibang mga batang di kasali sa party. Binagalan ko ang lakad ko para masaksihan ko ng mas malapit yung pangyayari sa loob. Nainis ako sa mga nagsisiksikang bata na nakikiusyoso din. Tinulak ko sila at pumasok ako. Sa sandaling pagpasok ko, di ko inaasahan na matatagpuan k dun ang babaeng magpapagunaw ng mundo ko.
Nakita ko ang babaeng unang nagpatalon sa’king natatakot na puso. Nakita ko ang babaeng nakapagbigay sakin ng kilig na mas malakas pa kapag umiihi ako. Iba to! Nung araw nay un ng aking kabataan, nakita ko si Hetty.
Ibang-iba si Hetty. Blonde siya. Mas malaki ang built niya kaysa kay Goldilocks, at magaling siyang sumayaw. Kitang kita ko kung paano niya sinasabayan ang mga dance moves nina Jollibee at Mr Yum. Kahit malalaki sila, kayang-kaya nilang gumiling na parabang wala silang laman.
Iba talaga si Hetty. Di siya tulad ni Twirlie na brunette. Di siya tulad ni Birdie na nakakatakot. Di siya mabalahibo tulad ni Chickie, at lalong di malaki ang puwet niya tulad ni Jollibee.
Mula noon, na-lipat na ang atensiyon ko kay Hetty. Dahil sa kanya. Natutunan kong kalimutan ang paggunaw ng mundo at paglamon ng araw sa Solar system. E ano ngayon kung magunaw bigla ang mundo? Ang mahalaga, nakilala ko na si Hetty, ang magiging gelpren ko.
Noong una, palibhasa’y di ako agad maka get-over kay Hetty, di ko namalayan na nalulunod na pala ako sa pantasya. Tuwing gabi, ang mga mahahaba at matatabang strands ng buhok ni Hetty ang naiisip ko. Para silang mga pinatabang fiesta palabok na paborito ko noon sa fast food chain. Mmm. Ang sarap.
Palagi ko siyang binibisita sa fastfood chain. Kahit nga pamasahe lang ang meron ako, pupunta’t pupunta pa rin ako sa pula’t dilaw na kainan para lang makita siya. Nung una sinuswerte ako kasi lagi ko siya rung natitiyempuhan na kasama ang tropa niya. Kahit namaraming makukulit na bata, ok lang. Ang mahalaga, Makita ko siya.
Minsan nga, nang magpunta ako sa fastfood chain, muntik na’kong mapapulis ng di’oras kundi lang sa isang ale na nandoon. Pa’no ba naman, may isang batang aligid ng aligid kay Hetty, tapos hawak pa ng hawak sa puwet ni Hetty. Bakit di na lang siya sumabit sa puwet ni Jollibee?! Nainis ako, marahil dahil sa selos. Kaya naman pumasok ako ng fast food chain at hinila ko yung batang nakakapit sa puwet ni Hetty tapos ibinalibag ko siya papunta sa puwet ni Jollibee. Yun, nauntog yung bata. Matigas pala yung puwet ni jollibee, di tulad ng kay Hetty. Siyempre, umiyak yung bata, tapos biglang sugod yung nanay as expected. Kinurot ako nung nanay. Di ako umiyak, sanay na’ko dun eh. To the rescue naman sakin yung isa pang nanay, tapos sila na nung isa pang nanay ang nag-away. Iniwan ko na sila. Nag-away sila. Nag-iyakan ang mga bata. Niyakap ko si Hetty.
Ang lambot niya. Isa pa, ang laki niya. Ok na’ko sa kanya kahit gumuho man bigla yung fast food chain at magunaw ang mundo. Ayos na kung masunog kami sa araw ng sabay. Hay. Ang lambot ni Hetty.
Akala ko noon kuntento na’ko sa pagdalaw-dalaw sa fast food cahin kung saan ko unang nakita si Hetty, pero hindi pala ganun ang lahat. Hindi sa lahat ng pagkakataon may birthday party sa kainan. Kapag hinahaap ko naman dun si Hetty, pinagtatawanan nila ako na para bang di nila kilala si Hetty. Siguro may relasyon sila ni Jollibee! Hinde. Imposible yun. Magkaibigan lang sila. Nakakainis. Dahil ba bata lang ako? Hindi ako sumuko. Lagi kong kinukulit ang mga taga fast food chain para ilabas nila si Hetty. Hanggang sa isang araw, inamin rin nila na doon nga nakatira si Hetty. Palalabasin daw nila si Hetty, kaso, sa isang kundisyon, dapat daw makapagbayad muna ako ng tumataginting na limang libong piso. Yun ay sa tatlumpung minutong appearance lang ni Hetty. Naiyak ako.
Akala ko ganun lang kadali ang mga bagay sa mundo. Akala ko ganun lang kadaling maging kaibigan si Hetty, maging gelpren; mali pala ako.
Ayos lang naman sakin na tinatawanan ako kapag hinahanap ko si Hetty. Wala ring kaso kung asarin siya ng ilan na blonde. E ano ngayon? At least di Ice cream o kung ano man yung nasa ulo niya. Isa pa, alam ko noon at tantiya ko noon sa sarili ko na mahal ko na nga si Hetty. Pero mahirap palang magmahal ng ganun kabata. Mahal makita si Hetty. Kung gusto mo siyang makita agad. Kinakailangan mo pa siyang abangan sa mga birthday parties para makita ko ang kanyang katawan, ang kanyang mala-palabok na buhok, ang kanyang malalaking pabilog na mata na may mahahabang pilik-mata, ang ngiting di naglalaho sa kanyang labi, at ang kanyang nakakaakit na paggiling.
Sabi nila bitawan ko na ang pantasya ko kay Hetty. Isa lang daw iyong kahibangan. Pero si Hetty talaga ang tinitibok ng puso ko. Maraming naituro sa’kin si Hetty. Sa kanya ko natutunan ang pagiging matiyaga at ang pagiging maalalahanin. Dahil sa kanya, na-inspire akong mga-aral hanggang sa magkamit ako ng maraming karangalan. Iba si Hetty. Iba ang tama niya sa’kin. Hindi ko siya kayang bitawan.
Ngayon, matanda na akong maitututing, pero mahal ko pa rin si Hetty. Di ko man siya naging gelpren, mahal ko pa rin siya. Palagi ko pa rin siyang dinadalaw. First love never dies. Sa katunayan, ninang pa nga siya ng anak ko. Mahal ko si Hetty. Tumanda nako’t lahat, di pa rin nagugunaw ang mundo, di pa rin nilalamon ng araw ang solar system, buhay pa rin ako. Si Hetty, ayun, nagsasayaw pa rin, nakangiti pa rin, nagbibigay inspirasyon sa mangilan-ngilang bata na mabibighani sa kanya.
1 comment:
astig! naaliw ako. nakakatuwa!
Post a Comment