PAST BLOGS

9/14/2005

Pangginaw, Paalam (mga kwentong jaket)

Bago pa lang ang tag-init nang lapitan ako ng mga panginaw.


May nagpatago, may nagpapabigay , at may di sinasadyang maka-iwan.



Ang jaket ni bi (binibigkas na bi, parang sa ba-be-bi…)

Masasabing trademark na ni bi ang kanyang pulang sports jaket. Madalas mo siyang makikita na suot ito, kahit nga di naman masyadong malamig ang panahon.

Kapag pumupunta siya sa opisina ng kanilang publikasyon, suot niya ang pulang jaket.

Kapag pumupunta siya sa kanilang sambahan, kung di man niya suot, dala niya ang pulang jaket.

Sa kabila ng magandang career ni bi ay lumisan siya para sa isang babae.

Gayumpaman, di niya iniwan ang kanyang jaket. Dala pa rin niya ito sa’n man siya magtungo. Hindi niya kinakalimutan ang jaket dahil nagagamit niya ito sa halos lahat ng pagkakataon.

Kapag ginagabi siya ng uwi, nagsisilbing pampainit niya ang jaket. Kapag umuulan at wala siyang payong, nagiging kapote niya ang jaket. Ngunit higit sa lahat, ang simpleng porma ay nagiging espesyal nang dahil sa jaket niya.


Kasama niyang naligaw sa babae ang kanyang jaket. Saksi ito nang bagong ningas pa lang ang apoy ng kanilang pagsasama. Saksi ito sa halikan , tampuhan, at pagmamahalan nilang dalawa.

Kung may bestfriend na ngang maituturing si bi, iyon ay ang jaket niya.

Nang iwan ng dating girlfriend si bi dahil sa babae niya ngayon, kasama niya ang jaket niya.

Ang katwiran niya noon- Nagmahal lang naman ako. Pareho ko silang mahal. Masama bang magmahal ng dalawang tao ng sabay?

Nang lumayas si bi sa kanila para sumama sa kanyang babae, dala niya ang jaket. Nalmutan niyang magdala ng damit, pero di niya kinalimutang dalhin ang jaket.

Nang tanungin ko siya kung bakit siya lumayas, sinagot niya ako ng- Umibig lang naman ako. Masama ba yun?

Umibig si bi nang di iniiwan ang jaket. Lumayas siyang kasama ang jaket. Nabubuhay siyang kasama ng jaket.
.




Ang jaket ni ina

Mula pagkabata hanggang 2nd yr college ay di pa nagkaka-boyfriend si ina. Mapili kasi. Protective sa sarili. Takot.

Lagi niyang ikinukubli ang sarili laban sa mga social constructs na napag-aralan niya.

Tulad ng madalas niyang pagsuot ng kanyang jaket kahit na may konting hangin lang sa labas. Lagi tuloy siyang napupuna ng mga kaibigan dahil sa kanyang obsessive compulsiveness sa pagsusuot ng jaket.

Naging manipestasyon na ng pagkamahiyain ni ina ang pagsusuot niya ng jaket.

Sa kabila ng pagiging mailap ni ina, isang matiyagang nilalang ang pinalad niyang papasukin sa kanyang buhay. Sa taong ito niya hinubad ang kanyang jaket. Sa taong ito niya nakita ang init na tanging sa jaket pa lamang niya nakukuha.
Nagka-boyfreind na rin siya sa wakas.

Sa maikling panahon, natutunan ni ina na masarap palang damhin ang jaket nang hindi naka-jaket. Nalaman ni ina na maginhawa sa pakiramdam ang walang jaket. Naramdaman ni ina ang panghihinayang sa mga pagkakataong nakasuot siya ng jaket at hindi niya nararamdaman ang mundo.

Mula noon, hindi na nag-jaket si ina. Gayumpaman, madalas pa rin niyang dala ang jaket kahit saan man siya magpunta.

Nang lumipat ng paaralan si ina sa Diliman galing Laguna, di niya iniwan ang jaket.

Ang jaket ang nagsilbing bestfriend ni ina sa Diliman. Sa jaket niya hinihinga ang lahat ng kanyang sama ng loob. Ang jaket ni ina ang pumupuno sa mga pagkukulang ng boyfriend na nasa malayo.

Ang jaket ang madalas niyang kayakap sa mga gabing nangungulila siya sa kasintahan. Kapag bumibiyahe si ina, ang jaket ang nagsisilbing unan kapag binabalutan na siya ng antok.

Sa kabila ng kalayuan ng kanilang relasyon, naging maayos naman ang pagsasama nila ina at ng kanyang boyfriend.

Naging kuntento si ina sa boyfriend dahil napoupunan naman ng kanyang jaket ang kakulangan nito.

Naging masyado siyang kuntento sa mga pangyayari hanggang sa matakpan na ng jaket ang kanyang mga mata at magbulag-bulagan siya.

Minsan na niyang nahuli ang boyfriend na may kasamang ibang babae sa Laguna.

Pinalampas niya ang pagkakataon sa pag-iisip na wala lang iyon.

Lumipas ang mga araw na hindi namamalayan ni ina na ang inaakala niyang pagmamahal na nakukuha niya sa boyfriend ay sa jaket niya pala nararamdaman at nakukuha.

Isang gabi, habang inaalala ni ina sa dorm ang boyfriend sa malayo, ay yakap-yakap niya ang jaket.

Sa Laguna, may kayakap din ang boyfriend niya.

Kayakap ng boyfriend niya yung babaeng nakita nin ina na kasama nito.

Sinuot ni ina ang jaket para maramdaman ito sa buo niyang katawan.

Sa Laguna, ginamit ng botfriend niya na pantakip sa bintana ang jaket niya.

Niyakap ni ina ang sarili, iniisip na ang boyfriend ang kayakap.

Ang boyfriend, nakikipaghalikan sa ibang babae. May kayakap na iba, binibigyang init ng iba.

Si ina, nasa dorm niya, kumukuha ng init sa jaket. Kumukuha ng pag-asa sa jaket na baling araw ay katawan na ng kasintahan ang tunay niyang kayakap.




Ang jaket ni ela

Di maarteng babae si ela. Palibhasa cowboy, kaya madali para sa kanya ang makagaanang loob ang isang tao.

Sa tuwing aalis siya ng bahay, hindi maaring maiwan niya ang baon niyang mga ngiti.

Ang mga ngiting ito ang nagbibigay buhay sa kanya. Ang mga ngiting ito ang nagbibigay pag-asa sa mga taong nakapalibot sa kanya. Ang mga ngiti din na ito, kahit di niya nalalaman ng lantaran, ang nagsisilbing sibat at tali na bumibihag sa maraming puso.

Ang mga ngiti ni ela ay lalong kumikinang kapag suot niya ang kanyang jaket.

Kusa kasing hinuhubog ng jaket ag kanyang katawan. Umaayon sa bawat kurba, sumusunod sa bawat galaw. Parang kaisa na ng pagkatao ni ela ang jaket.

Nabanggit niya minsan na ang jaket ay bigay sa kanya ng kanyang ate na lumisan patungong ibang bansa, kaya mahal na mahal niya ang jaket.

Sa tuwing magbibyahe kami ni ela patungong Laguna, kung di ako ay jaket niya ang yakap.

Minsan nga, nang biglang magliyab ang kalan sa kusina, walang pag-aalinlangan niyang kinuha ang jaket at ginamit pampatay ng apoy. Ganun katibay ang jaket niya. Di lang water proof, fire proof pa.

Tulad ng jaket ni ela, madalas din kaming magkasama. Nagging malapit kami sa isa’t isa hanggang sa maramdaman kong parang nagiging jaket na niya ako. Natuwa ako.

Masarap palang maging jaket-
tagapagbigay ng init, taga-pawi ng lungkot, taga-pakinig, at higit sa lahat, minamahal.

Marahil tulad ng jaket ni ela, minahal ko rin siya. Handa akong protektahan siya sa lahat ng pagkakataon. Handa akong yakapin siya nang magdamag. Pakiramdam ko handa ko nang gawin ang lahat para sa kanya. Subalit hindi pa pala.

Nalimutan kong hindi sa lahat ng pagkakataon ay sinusuot ang jaket. Nalimutan kong mas madalas iwan ang jaket kaysa yakapin ito. Nalimutan kong sa kabila ng naibibigay na init at ginhawa ng jaket ay marami pa ring ibang mapagkukunan ng init ang tao.

Hindi pala madaling maging jaket.

Bilang jaket ay ginawa ko ang tungkulin ko kay ela. Minahal ko siya, pinilit bigyan ng init sa abot ng aking makakaya, at pinilit protektahan. Subalit tulad nga ng di ko inaasahan, dumating ang pagkakataong iniwanan na niya ako sa isang sulok ng cabinet. Sinabit niya ako sa hanger. Nais niya akong tuyuin pagkatapos ng binuhos niyang ulan ng luha.



Nang gabing iyon, bumaba ng tricycle si ela.

Umaambon.

Hintayin mo ang tawag ko. Bye.

Naiwan akong nakasabit sa hanger.

Walang tawag na dumating . Wala ring text. Wala. Naghintay ako.

Hindi ko alam na na-ospital pala si ela.

Pagkaraan ng isang lingo, nabalitaan komagaling na siya.

Tinignan ko friendster profile niya, IN A RELATIONSHIP na yung status.

Pagkalabas niya ng ospital, may iba na pala siyang karelasyon. May iba na siyang pinagkukunan ng init.


Naiwan na lang ako sa hanger.

Basa pa rin, di na sa ulan ng kanyang mga luha, kundi sa ilog ng luhang nagmula sa pangungulila at pagtangis ng isang iniwanang jaket.



***


Matagal na panahon ko na ring itinago ang mga pangginaw.

Yung isa nasa bag ko lang, madalas kong kasama sa biyahe.

Yung isa, iniwan ko sa loob ng aking damitan sa bahay.

Yung isa, nasa sulok ng kwarto, nakabalot ng supot.


Nitong nakaraan ko lang naisoli ng isa-isa ang mga jaket, kasama ang mga istoryang nakatago sa kani-kanilang mga bulsa.

Mabuti na ring wala na akong pinanghahawakang jaket na hindi akin. Mga jaket na hindi lang basta panlamig, kundi mga jaket na pwede ding pang-porma, unan, pananggalang sa ulan, kurtina, kayakap, at minsan, pampatay ng apoy.




****



Salamat sa pansamantala mong init.

Salamat sa mga yakap mo kapag nag-iisa ako.

Salamat.

Paalam, pangginaw.




2 comments:

Anonymous said...

ang drama!

krista said...

gusto ko na rin makita ang jaket ko... kaya lang masyado pa yatang mainit para magsuot nito...

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...