PAST BLOGS

11/26/2012

From each according to his ability, to each according to his need

***
mam lallie wala kang kupas! tagos!
***

Sa text brineak si Ariane ng boyfriend n’ya since third year high school. Tatlong ulit pinigilan ni Ariane ang sariling magreply sa text nito at labinglimang ulit n’yang kinontrol ang sarili upang di n’ya ito tawagan at ratratan sa pagiging unfair. Shet, naisip ni Ariane, ansabe naman ng post it break up ni carrie bradshaw sa text break up ko? At junior college pa lang ako nito ha? Pa’no pa kung junior law student na ako o third year na sa pagiging abogada?

Upang ma-keep ang kanyang pride, dinelete na lamang ni Ariane number ng kanyang boyfriend. May nalalaman pang it’s not you it’s me, sabi n’ya sa sarili, e for sure papatol lang naman du’n sa malanding si Meg. Alam ni Ariane na high school pa lang ay nilalandi na ni Meg ang kanyang boyfriend. Ex boyfriend, pagtatama ni Ariane sa sarili. Bahala s’ya, naisip n’ya, ipagpapalit na lang din n’ya ako, sa di na nga makapasa sa Math 11, kilala pang sawsawan ng bayan.

Full support naman kay Ariane ang mga friends n’ya. “Ay naku,” sabi ng isa. “Hayaan mo na ‘yon. Magsama sila ni Meg. Pareho silang bagsakin sa Math 11.” Sabi naman ng isang friend n’ya, “Gurl, hindi ko nga maintindihan kung ano’ng nagustuhan mo sa ex mong ‘yun e. Tambay na nga ng bilyaran, adik pa ng DOTA. Hindi s’ya bagay sa achiever na gaya mo ‘no?” At di rin nagpaawat ang isa pa n’yang friend, “Dapat nga hindi mo na sinagot ‘yun e. Kapal ng mukhang sagot-sagutin ang lawyer parents mo, may koleksyon pa ng balisong. Naku, I swear. Psycho talaga ‘yung lalakeng ‘yon. Good riddance, gurl. Good riddance talaga.”
May friend din s’yang inoffer ang isang frat para bugbugin ang ex n’ya, at may isa pang inoffer naman ang services ng lola nitong kilalang mangkukulam sa bayan nila. Upang kaagad na maka-get over sa feeling n’ya’y pang-iinsulto sa kanya ng ex n’ya, pinasya ni Ariane na tapatan ito ng tingin n’ya’y nakakahigit dito. Two can play the game, naisip n’ya, kung pinagpalit mo ako sa cheapipay na Meg na ‘yon, ipagpapalit kita sa someone definitely way, way better than you can ever aspire to be.

Tinawagan ni Ariane si Harold. Sa pagkukuwanring magpapatulong ito para sa isang paper n’ya sa klase, niyaya n’ya itong makipagkita sa kanya sa Boston Cafe. Sabi ni Ariane sa sarili, “Mas gwapo na nga si Harold, di hamak na matalino pa.” Kaklase na n’ya since kinder si Harold. Ito ang laging second honor sa kanya hanggang sa grumaduate sila ng high school. “Ba’t nga ba di na lang si Harold?” ang dati pang tanong na ni Ariane sa sarili.

Si Harold ang sumasama sa kanya sa forestry para i-surprise ang kanyang ex lalo na nu’ng kinukutuban na s’yang may nangyayaring milagro sa pagitan nito at ng malanding si Meg. Kahit dis oras na ng gabi at takot na takot na ang mga estudyanteng magpakalat-kalat pa sa kalye dahil sa mga pinatay na kapwa estudyante, sinasamahan pa rin s’ya ni Harold. “Kesa naman mga askal lang ang kasabay mong umakyat ng bundok,” biro pa ng lalake.
 
Kung nakasimangot s’ya o biglang natatahimik, si Harold ang umeeffort para patawanin s’ya. “Iksi-iksi ng buhay, hindi mo pa i-e-enjoy,” ang madalas nitong sabihin sa kanya.

Habang kaharap n’ya si Harold at nag-e-explain ang lalake tungkol sa from each according to his ability to each according to his need na pakunwari ni Ariane ay kailangan n’ya para sa isang paper sa klase, bumalik sa isipan ng babae ang matagal-tagal na rin n’yang tanong sa kanyang sarili: “Ba’t nga ba hindi na lang ako kay Harold na-in love?”

“Naiitindihan mo na ba?”

Naputol ang pagmumuni-muni ni Ariane. “Oo naman,” sabi nito. “Ang galing mong mag-explain e.”
Humigop ng double dutch frappe si Harold. “’Pag may tanong ka pa, text mo na lang ako,” sabi ni Harold, sabay tayo at ligpit ng mga gamit.

“Ba’t n’ya ako ginano’n?” biglang natanong ni Ariane.

Biglang kumunot ang noo ni Harold. “Ha?”

Natahimik si Ariane. Gusto n’ya sanang bawiin ang sinabi o kaya’y pagtakpan ang totoong ibig n’yang sabihin. Pero mas nanaig ang kagustuhan n’yang makuha n’ya ang simpatiya ni Harold, mapahaba pa ang kanilang usapan, malaman nitong wala na sila ng ex n’ya upang magkaro’n ito ng tapang na ipahayag sa kanya ang matagal na n’yang alam: may gusto ito sa kanya.

Muling naupo si Harold. Mahigit isang oras din s’yang natahimik habang tuloy-tuloy si Ariane sa pagkukwento tungkol sa nangyari sa kanila ng kanyang ex: ang pakikipagbreak nito sa kanya sa text, ang hinala n’yang katarantaduhan nito sa pagpatol sa malanding si Meg kaya s’ya brineak nito, ang away-bati nilang relasyon dahil hindi maintindihan ni Harold na ayaw ni Ariane na matulad sa ibang babaeng ginagawang display ng boyfriend sa pamamagitan ng pag-akbay dito habang naglalakad, ang nakakahiyang mga grado ng kanyang ex sa klase, ang pagtambay nito sa bilyaran at pagkaadik sa DOTA, at marami pang iba.

Muling humigop ng double dutch frappe si Harold nu’ng matapos ang litanya ni Ariane. Tiningnan nito ang babae. “Kadalasan gano’n naman di ba?”

“Na iiwan ng gagong lalake ang babaeng ginawa n’yang martir para pumatol sa pokpokin?”

Bahagyang natawa si Harold. “Hindi. Hindi ‘yon.”

“E ano?”

“Na kahit na gusto n’yo ang isa’t isa, pwedeng hindi pa rin magtuloy-tuloy sa pagiging kayo habang-buhay.”

“Kasi nga, gago ‘yung lalake.”

“Hindi naman sa gano’n.”

“Kinakampihan mo?”

Muling humigop ng double dutch frappe si Harold, halatang tinitimba ang susunod na sasabihin. Ilang saglit na ring nakatitig sa kanya si Ariane bago s’ya nakapagsalita. “E minsan kasi, kahit gusto mo ang isang tao, hindi mo naman masyadong gusto ‘yung epekto n’ya sa ‘yo. Parang ‘yung hindi mo masyadong gusto ‘yung kung nagiging ano ka dahil sa kanya.”

Noo naman ni Ariane ang biglang kumunot. “Ha?”

“Halimbawa, gusto mo ‘yung isang tao kasi matalino s’ya. Gusto mong kasama s’ya kasi feeling mo napipilitan ka ring maging matalino. O kaya naman kasi hanga ka lang talaga sa pagiging matalino n’ya. Pero eventually, parang ayaw mo na rin s’yang makasama. Kasi feeling mo naman, sa sobrang matalino n’ya, ‘pag kasama mo s’ya, lumalabas na parang ang bobo mo naman. E ayaw mo ‘yung nagiging bobo ka. So parang natatakot ka na ngayong makasama ka. Tapos ‘yung takot na ‘yon, magiging galit. Pwedeng galit sa kanya o sa sarili mo. Basta, bigla mo na lang inaayawan ang taong hindi mo gusto ang nagiging epekto sa ‘yo.”
“Ah so ‘pag mas magaling sa ‘yo ang babae, ayaw mo na?”

“Hindi naman. Depende nga kasi sa epekto sa ‘yo e. Depende sa kung ano ka at ano sa tingin mo ang kailangan mo. Halimbawa, gusto mo ‘yung magandang babae kasi nalilibugan ka. Pero ‘pag kaharap mo naman nauutal ka o kaya biglang nahihiya. So pwedeng ayawan mo na rin sa huli. Hanap ka na lang ng iba kung kanino hindi ka nagiging torpe. Pero pwede rin namang mas lalo mong magustuhan ‘yung maganda. Kasi feel mo naman ‘yung natotorpe ka para masabi sa sariling finally nakahanap ka na rin ng katapat.”

“Parang sinasabi mo namang masama ang epekto ko sa ex ko at maganda ang epekto sa kanya ni Meg. My God! Pokpokin na nga ‘yon, mas bobo pa sa kanya.”

“E depende na nga ‘yon sa ex mo,” hirit ni Harold. “From each according to his ability, to each according to his need.”

“So parang depende sa kung ano’ng kaya mo, depende sa kung ano’ng kailangan mo?”
“Tingin ko, parang gano’n na nga.”

“Sa ‘yo ba?” biglang tanong ni Ariane. “Masama rin ba ang epekto ko sa ‘yo.”

Pilit na pagtawa ang unang sinagot sa kanya ni Harold. Hindi humirit si Ariane, hinintay na may sabihin ang lalake. Inubos ni Harold sa isang higupan ang natitirang double dutch frappe. Tiningnan n’ya si Ariane. “Tingin ko mabuti naman,” sa wakas ay nasabi nito. “Kaya nga friends tayo e.”

Friend zone?! Gustong isigaw ni Ariane. Ilalagay mo ako sa friend zone?! Palibhasa since kinder hindi ka makapengol sa akin sa acads. Leche ka. College na nga tayo’t lahat ang torpe-torpe mo pa rin.
“Ah ok,” ang tanging nasabi ni Ariane.

“Oh pa’no ba ‘yan, friend?” ang sabi naman ni Harold habang muling tumatayo at kinukuha ang mga gamit. “Balik na ako sa dorm at may paper pa rin ako.”

Sinasakluban pa ng pagkainis si Ariane sa pagkatorpe ni Harold kaya’t wala s’yang nasabi o nagawa nu’ng bigla s’yang halikan nito sa pisngi. Besong friend zone ba ‘yon, naisip ni Ariane, o besong may malisya?
Nagimbala ang pag-iisip n’ya nu’ng tingnan n’ya ang papalayong si Harold at ang nakita’y ang papalapit namang si Meg ka-holding hands ang ex n’ya. Nakita ni Ariane na napatingin sa kanya ang ex n’ya. Magbabawi sana ng tingin si Ariane pero nakita n’yang bigla nitong inakbayan si Meg. Tumaas ang isang kilay ni Ariane. Hindi na ito bumaba kahit na nalampasan na s’ya ng dalawa ng hindi man lang s’ya pinapansin.

“Hay naku,” sabi ni Ariane sa sarili. “Pokpokin talaga ang hanap.”

Tiningnan ni Ariane ang dalawa. Inimagine n’yang s’ya ang nasa posisyon ni Meg. Malamang tinatanggal na n’ya sa balikat ang braso ng ex n’ya habang binabalik at binabalik naman ito ng huli. Malamang ngumangawa na s’ya habang nakikipagsabayan din sa pagngawa n’ya ang ex n’ya. Malamang pinagtitinginan na sila ng mga tao dahil mapapalakas ang boses nila sa pagngawa nila. Malamang mauuwi sa matinding away ang pag-akbay na ‘yon. Na mauuwi rin naman sa libong text at tawag ng ex n’ya sa kanya, sa pag-over the bakod nito sa dorm ni Ariane, sa walang patumanggang paghingi nito ng dispensa.

Pinilit labanan ni Ariane ang nanumbalik na pagkakilig sa efforts ng ex n’ya. Inalala n’ya uling adik ito sa DOTA, tambay ng bilyaran. May koleksyon ng mga balisong na sabi ng mga kaibigan n’ya’y sign ng pagiging sanggano. Inalala n’ya ang pagkakataong sinagot ng ex n’ya ang mga magulang n’yang kapwa n’ya abogado: “Idemanda n’yo man ako o kahit ipakulong, basta liligawan at liligawan ko pa rin ang anak n’yo.”

Inalala ni Ariane ang lahat. Hindi na n’ya pinansin ang nahulog na baso ng mocha frappe n’ya na natabig n’ya sa biglang pagtayo n’ya. Hinabol n’ya si Meg at ang ex n’ya. Sinigaw n’ya ang pangalan ng kanyang ex. Wala na s’yang pakialam kung pinagtitinginan na s’ya ng mga tao. Wala na s’yang pakialam kung may dalawang batang nangangaroling na natabig n’ya sa kanyang pagtakbo. Wala na s’yang pakialam kung magmukha s’yang cheap o mas pokpokin pa kay Meg. Gusto n’ya ng confrontation scene. Handa s’yang makipagdramahan. Alam na n’ya ang kailangan n’ya. Alam na n’ya ang kaya n’yang ibigay. Habang tumatakbo s’ya’t isinisigaw ang pangalan ng ex n’ya, alam na n’ya kung ano’ng uri ng pagmamahalan ang kailangan at handa n’yang ibigay.

-Layeta Buciy
Elbi Pie 16: Mga Hayop ng Pag-ibig

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...