PAST BLOGS

6/21/2007

nang minsang humingi akong muli ng gatas

binigyan mo ako ng isang garapong amag. daan-daang piraso ng inaamag mong mga salita ang iniabot mo sa akin ng umagang iyon.

humingi lang naman ako ng gatas.

gatas na nagpapakalma sa umaalmang sikmura.
gatas na nagpapatahimik sa nagsisigawang isipan
gatas na humahagod ng init sa dibdib na nabalot ng lamig.

sabi mo, wala.

tumango ako sa pag-aakalang tapos ka na sa iyong pang-agahang litanya.
di mo na kailangang ulit-ulitin ang pagpapaalala sa mga panahong ipinagtitimpla mo ako ng gatas sa umaga. malinaw pa sa alaala ko kung papaano mo ako sinanay at tinuruang uminom sa baso. sa’yo ako natutong magtimpla ng gatas.

di mo na kailangang banggitin muli ang mali kong paghahalo ng gatas sa tubig at asukal. hindi mo na kailangang pansinin ang bawat direksyon ng pag-ikot ng kutsarita sa tasa.
tama ka. hindi naman ako kasing galing ng inaasahan mo. nalimutan mo na bang bona kid ako? hindi ako gifted child.

lumaki ako sa tinitimpla mong gatas tuwing umaga.
tama lang ang timpla mo noon. hindi gaanong matamis, hindi matabang.
pinalaki mo ako sa paniniwalang walang pinagkaiba ang gatas ni ina sa tinitimpla mong gatas.

Hindi nagtagal, napaso ako sa tinitimpla mong gatas.
madalas inaakala mong kilala mo na ang timpla ko pero nagkakamali ka.
ang tamis sa panlasa mo ay tabang na pala sa aking dila.
ang humahagod na init na sapat lang para sa iyo ay siyang init na kumukurot at lumulukot sa aking dibdib.

natuto akong magtimpla ng sarili kong gatas.
sarili kong timpla, sa sarili kong paghalo, sa sarili kong panlasa.

pinili kong tantsahin ang init at lasa ng gatas ayon sa aking kagustuhan.
ilang taon din akong hindi nanghihingi ng gatas mula sa iyo, kaya nagulat ako nang abutan mo ako ng isang garapong amag at pabilhin ng gatas sa tindahan. marahil matagal na nga nang huli akong manghingi ng gatas. hindi ko alam, kape na pala ang uso sa bahay. hindi ko man lang napansing kapeng barako na pala ang hilig mo. mas matapang, mas may tama, mas may dating kaysa gatas. hindi ko man lang namalayan na kape na pala ang tinitimpla mo. kapeng nagpapataas ng tensyon ng isipan. kapeng nanggigising ng natutulog na ulirat. kapeng nakakapagpamanhid ng damdamin.

4 comments:

Billycoy said...

kaya naman ang binibili kong gatas ngayon ay skim milk at nasa UHT Tetra Pak!

Anonymous said...

this post may be applicable in almost all kinds of situations. bastaa malalim talaga. ayos!

at kung ano mang gatas yan, sana masarap siya. =))

zeus-zord said...

hmmmm

bawal ang gatas

i have lactose intolerance o kung ano pa man yun

hmmm

makapag gatas ng mamaya

ice said...

tama. halos lahat na ngayon ay sawa na sa gatas.. kumbaga tumaas na yung threshold nila..
di na masarapan sa gatas. nakakaantok.. nakakabagot. nakakasawa.
marahil ay tama ka, uso na ngayon ang kape. nasabi mo hilig ay barako pa..
nakakagising.. nakakaexcite..
nakakaAdik.

siyet

tumamataas ang tama..lakas..

@_@

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...