PAST BLOGS

12/03/2006

tugma

pilit pinupunan ng mapusyaw na ilaw ng pick-up ang kalsada sa general santos.
tanging mga mumunting ilaw mula sa baga ng sigarilyo na hinihithit ng aking mga kasama ang nagsisilbing ilaw sa aming kinalalagyan.
madamot ang gabi sa dayuhang tulad ko.
walang tanawing tatanggap sa'yo at walang ilaw na mag-aaliw;
tanging pagyakap lang ng hanging sumasabay sa sasakyan ang kikiliti sa iyong pandama.

mapaghanap ako.

hindi sapat ang ilang bote ng strong ice para malunod ka at
anurin palayo sa isipan ko.
hindi rin sapat ang pagdadamot ng gabi para ikubli ang aking paghahanap.

naubos na ang semento sa kalsada.
nang magtagpo ang lubak at gulong,
napatingin ako sa kalangitan.

nagulat ako ng makita kita doon.

nakita ko ang orion.
ang madalas na bukambibig mong konstelasyon.

naalala kita.

walang pinagkaiba ang orion sa laguna at sa gensan.
wala namang pinagbago ang kinang ng tatlong mga bituwin sa sinturon nito.
makinang pa rin, kahit na alam mo at alam ko na patay na talaga ang isa sa mga bituwin nito.
noon ko mas lalong naisip na mapanlinlang ang kalawakan.

nakakalungkot na ang isa sa mga makinang na bituwin na suot pa rin ng orion ay matagal na palang naglaho sa mukha ng kalawakan at patuloy na nagpapanggap na makinang at buhay sa mata ng mga taong naghahanap, nangangarap at umaasa.

umasa akong nakatingala ka rin ng mga oras na iyon sa orion.
umasa akong kahit papano nagtagpo ang mga paningin at diwa natin sa mga bituwin.

sana lang, sa tamang bituwin tayo parehong nakatingin.

11 comments:

REM said...

totoong mapanlinlang ang kalawakan, sa isang kisap mata'y maari kang bulagin ng iyong makikita subalit ang puso ay hindi. Ramdam nito ang katotohanan at patuloy na naghahanap ng katugunan sa mga katanungang gumugulo sa isipan. At dahil sa iyong paniniwala na sa oras na yao'y tulad mo'y nakatingala rin sya at nagmamasid sa iisang panginorin, umasa kang Langit ay diringgin ang iyong panalagin.

...ayyy! nadala ako sa iyong pagiging malalim. gandang araw! salamat sa pagdaan, link kita maya konti.

Anonymous said...

ako rin nalilinlang din sa mga kislap ng mga bituin. aakalaing mong malapit lang mga sila, ngunit kung aabutin mo ay di mo kaya. akala mo na minsan ay iisa lang sila, ngunit kapag lumapit ka, kumpul kumpul na bituin pala.

mabuti na lang may mga glow in the dark stars ako sa aming kwarto, abut kamay ko na ang aming bituin.

& said...

star-crossed lovers ata ang drama nito pare.

namangha na naman ako sa malalim mong tagalog. 'mapusyaw'. 'anurin' (though alam kong nagmula yung sa word na anooood, pero grabe. anlalim.)

ayun lang.

orion. fave kong konstelasyon! hihihi.

Anonymous said...

ang lalim ng iyong mga sinabi..ng matapos ko basahin ang iyong entry..tila malungkot ka at may gumugulo sa iyong isipan... and lalim mong magtagalog...

keep it up..love your entry..

take care...

Anonymous said...

Choke me in the shallow water before I get too deep.

LOL.

Keep on writing dude! You rule. :-)

Anonymous said...

hanep. sana wishing on the same star din.

love it.

Anonymous said...

pre natanaw ko ang orion
at pre naalala ko rin ang dalawang bida sa winter sonata
anu ba pinagsasabi mo pre?
lasheng ka lang kamo
aminin!
:)

Anonymous said...

Nakakasilaw ang ilaw ng bintanang sa harap ko'y hindi ko mamalas ang kahahantungan kundi dagitab na nakapapaslang. Paririto, hindi na ako dayuhan ng bayang pugad ng mga tulad kong lango sa plumang hindi tumitinta ng letra kundi tunog at sumasayaw na mga halimaw sa banga.

nagpapabarya lang ako.

sapat na ang dalawang oras na ipabalita sa sanlibutan ang kahalayan ng aking isipan. hindi madamot ang artikulo tres seksyon kwatro sa maliligalig kong mga daliri.

hindi ko pa mauubos ang isang libo. ngunit nang magtagpo ang asido at ang tinalupan ng aking sikmura, nagdidilim ang kalangitan.

ginutom mo ako nang makita kita dito.

nakikita ko na ang mga bituin gaya ng sa Looney toons.

nawawala na ang aking alaala,

may pagkakaiba ang bituin sa tula mo at sa mga sumasayaw na tala sa imahinasyon ko. makinang parin ngunit kathang-isip kung ituring.
noon ko mas lalong naisip na ako'y tatayo na't dapat nang kumain.

nalulungkot ako na nalulungkot ka sa isa sa mga bituin sa sinturon ni orion. Pero malulungkot ka siguro kung malalaman mong sa pagtaglaw ko sa bituing iyong tinutukoy, baka maging bituin rin akong iyong pinaglalamayan.

onion ang basa ko sa orion. akala ko pringles. tumatawa ka siguro dahil hindi nagtagpo ang aking paningin at ang aking diwa sa iyong mga bituin.

hay naku, wala pang bituin ngayong alas-5. magtatyaga muna ako kay Naruto.

Anonymous said...

kadalasan nakatingin ako sa langit, pareho lang sa'yo, umaasang pareho kami ng tinitignan na tala sa langit.

tama. mapanlinlang ang kalawakan. lalo na kung ang bagay na nasisilayan ay hindi kung ano ang akala mo.

baylon said...

tila nakakapanlinlang nga ang mga bituin. sa kulay pa lamang ay maloloko ka na. (ayon sa aming gensci class namin) asul. kulay na tila nakakaginhawa sa ating mga mata. kulay ng kalangitan at tubig. ngunit alam niyo ba na ito rin ang pinakamainit na bituin. at ang pula naman na nagsisilbing kulay para sa init at galit. ngunit ito ang pinakamalamig na bituin sa kalawakan.

ang mga bituin, parang tao rin yan. aakalain mong mabait ngunit sa loob naman niya ay nagngingitngit na sa galit. at gayun din sa mga mukhang hindi mapagkakatiwalan. hindi mo alam ay sila na pala ang anghel na hulog ng langit para mabantayan kayo.

NAKU! TRYING HARD E! hehe.

ge TAY!!!

Anonymous said...

ewan ko ba.
parang pare pareho lang naman ang mga stars pero nalalaman nila ang mga pagkakaiba.
:)

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...