PAST BLOGS

10/03/2004

Bugambilya






O kay sarap humalik ng iyong nang-aakit na tinik,
Di ako bibitaw hangga’t kaya pang tiisin ang masarap na pait,
Sadyang kay hirap pakawalan ng mga daliring sa iyo’y naadik.

Sinong mag-aakalang ikaw ay nakasasabik?
Ikaw na mistulang damo na dinadaan-daanan,
O kay sarap humalik ng iyong nang-aakit na tinik.

Sadyang nakiliti ako nang mga talulot mo sa aki’y tumapik,
Tangan ko noon ang rosas nang bihagin mo ang aking paningin,
Sadyang kay hirap pakawalan ng mga daliring sa iyo’y naadik
.

O kay bagal nang bango mong angkin sa ilong ay pumanik,
Kundi pa matutusok sa rosas na tangan-tangan.
O kay sarap humalik ng iyong nang-aakit na tinik,

Sa saliw ng hangin ikaw sa aki’y nakipagtalik,
Ang aking mga daliri, ang iyong mga talulot at tinik, sa aki’y uhaw na nakipagniig..
Sadyang kay hirap pakawalan ng mga daliring sa iyo’y naadik.

Ngunit bakit dagling nawala sa’kin ang iyong pananabik?
Nang muling balikan ay nasa paso na’t may bagong kaniig,
O kay sarap humalik ng iyong nang-aakit na tinik.
Sadyang kay hirap pakawalan ng mga daliring sa iyo’y naadik.

No comments:

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...