PAST BLOGS

12/06/2007

SAbuBOG




ni hindi ko man lang namalayan ang mahigit dalawampung taon kong paninirahan sa mga makukulay na bubog . kung hindi pa’ko inilipad isang gabi ng tadhana, hindi ko makikita ang mga makukulay na bubog na bumubuo sa bansang kinalakihan ko.

malinaw pa sa’kin kung pa’no nagpatalbugan ng kinang ang mga bubog sa lupa para akitin ang mga matang nakadungaw mula sa kalangitan. mga matang kundi namangha, ay nalito nang saglit sa dami ng mga kumikislap na mga bagay sa ibaba. maraming mukhang diyamante pero sigurado akong karamihan doon ay bubog. maraming beses na din akong nagalusan, natisod at nasugat ng mga tila makikinang na diyamante sa lupa ng bayan ko.

gabi nang ihulog ako ng tadhana sa panibagong lupain. mula sa maliliit na mata ng eroplano ay natanaw ko ang mga makikinang na diyamanteng nakahilera sa lupa. nakaporma, mas makikinang at mukhang mas mamahalin. kapos man sa kulay ay sagana naman ito sa nakasisilaw na kinang. mukhang mga diyamanteng nakahimlay sa mga estante sa malls, na naghihintay sa taong aangkin sa taglay nitong kinang.

muli akong nag-aral maglakad sa bubog. pakiramdam ko, muli akong naging sanggol na nangangapa sa nakabubulag na kinang na dulot nga mga mala-diyamanteng bubog na nilalakaran ko. sabin ng mga matatandang nakausap ko na dito, nandito daw ang tunay na yaman. marahil natagpuan na nila ang diyamante. marahil hindi din. baka nakasuot lang sila ng mga piraso ng mapanlinlang na bubog na nagkalat sa lupaing ito.
hindi ko maisip kung dinala ba ako ng tadhana dito para hanapin ang diyamante. tama lang na nagsimula akong maglakad sa gabi. tiyak ko, mas madali kong mahahanap ang tunay na diyamante sa kadiliman.

1 comment:

sundar said...

Hi..Came across your blog and found it to be very interesting.I have added it to my list of favourites.Kindly reciprocate and give a link back.My blog address is :

www.ecstasypoint.blogspot.com

Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...